Wednesday 8 August 2012

Just a small rant about a Tweet I saw just a while ago.

You can't do everything all at once, even if your desire to do so is great. Pinamumunuan niya ang isang komunidad, kaya mahalaga na maayos ang priorities n'ya. Sigurado naman ako na ang puso n'ya ay nasa pagtulong sa mga nasalanta ng unos. Kaso, hindi naman pwede na ialay n'ya ang lahat ng lakas n'ya para gawin iyon. Bahagi s'ya ng gobyernong hinahangad ang matiwasay na pamumuhay ng kanilang nasasakupan. Kahit na ang pagtulong ang una sa listahan ng mga kailangan niyang gawin, mayroon pa ring ibang bagay na kailangan rin pagtuunan ng pansin.

Ikaw ba, kung malagay sa posisyon n'ya, ay pipiliin mong ibigay ang iyong buong oras at itaya ang iyong kaligtasan upang pumunta sa iba't-ibang lugar para tumulong sa mga naapektuhan ng pag-ulan? O tatanggapin mo ang paanyaya ng isang palabas sa telebisyon, na ika'y makapanayam sa iyong opisina?

Timbangin natin ang mga pagpipilian:
Magpunta sa iba't-ibang lugar na iyong nasasakupan upang tumulong sa mga nasalanta:
- Personal mong makikita ang mga ngiti at hinaing ng mga tao.
- May personal satisfaction kang nakukuha sa bawa't tao / pamilyang naaabutan mo ng tulong
- Nakikita mo nang personal, at mas nararamdaman mo ang mga nasira ng bagyo, at ang mga paghihirap na dala nito sa mga tao. 
- Nadaragdagan ang mga taong tumutulong, kaya nakatitipid sa oras.
- Nakikita ng mga taong ika'y tumutulong, kaya mas tumataas ang respeto nila sa iyo
- Nakikita ng mga taong ika'y tumutulong, kaya iisipin nilang namumulitika ka lang. 
- Matataas pa rin ang baha, at hindi pa rin tumitigil ang pag-ulan at malakas ang hangin, kung kaya kung ika'y susuong sa pagtulong ay tila nailalagay rin sa panganib ang iyong kaligtasan.
- Kakainin nito ang malaking bahagi ng iyong oras, at marami ka pang ibang kinakailangang gawin.
- Hindi sapat ang isang buong araw, kahit pa hindi ka na matulog, dahil sobrang daming kailangan tulungan, at hindi naman kayang dalhin nang sabay-sabay ang lahat ng tulong na sasapat para sa lahat.
- Malaki rin ang pinag-uusapang Lungsod rito: Lungsod ng Quezon. Ito ay humigit-kumulang 64 sq. mi., na halos kasinlaki na rin ng bansang Liechtenstein sa kanluran (Europe), kung kaya maraming panahon ang kakailanganin para mapuntahan mo nang personal ang kada isang nangangailangan ng tulong.
Eh paano kung pumayag ka sa paanyayang makapanayam sa telebisyon?
- 'Pag nakita ka nila sa telebisyon ay malaki ang posibilidad na makatanggap ka ng batikos dahil ika'y pa-TV-TV lang, samantalang naghihirap ang iyong mga nasasakupan.
- Maaari ka pa rin namang lumabas at tumulong sa mga kababayan mo, nguni't hindi na ganoon ka-komprehensibo.
- Nakakatipid ka sa oras, kaya kung may iba ka pang kailangan asikasuhin ay maaari mo itong gawin.
- Sa pamamagitan ng telebisyon ay maaari kang manawagan sa mga mamamayang nanonood [at maaari ring mga taong nakatira sa ibang bansa] upang mag-abot ng tulong para sa mga nasasakupan mong tao at maging ang ibang naapektuhan ng malakas na pag-ulan sa iba't-ibang lugar.

Kung anuman ang isasagot mo, wala na akong magagawa. Pero para sa taong hindi ko nagustuhan ang Tweet kanina, sana naman sa susunod ay pag-isipan mo munang mabuti ang pagbibitiw mo ng isang statement na medyo malakas ang pagpaparatang. At sana, tayong mga Pilipino'y magkapit-bisig sa unos na dinaranas ng ating bansa sa pagkakataong ito (bilang ang pag-ulan ay nakakaapekto sa labing-isang rehiyon ng ating bansa). Huwag na nating pairalin ang crab mentality na paghila sa ibang tao pababa. 'Yung sinisiraan natin sila pagka't sila'y may naitutulong, samantalang tayo ay walang magawa. Baka gusto n'yo ring sundin ang CorComm namin sa CAT, 'wag na rin kayong dumagdag pa sa problema ng Pilipinas. [Connect? Kasi 'pag sinisiraan ang mga nagsusubok tumulong sa kanilang sari-sariling paraan, nakaka-discourage para sa karamihan. At gagawin rin nila ito sa iba. Nagkakaroon ng bad publicity / incorrect notion ang pagtulong. Mamomroblema ang gobyerno sa paghahanap ng mga taong maaaring tumulong.]

No comments:

Post a Comment