Matagal nang pinaghandaan ang pangyayaring ito. Kakaunti man ang personal effort ko sa paghahanda para rito, totoo rin ang sinabi ni Ate Alla (ng Batch 2011) na ang buong buhay namin sa high school ay isa na ring uri ng paghahanda para sa UPCAT. Ang pinakamabusising paghahanda para sa UPCAT.
Matagal pa bago mag-UPCAT ay marami nang kinakabahan para rito. Lalo naman sa aming paaralan, kung saan inaasahan ang "100% UPCAT passing rate." Hindi 'yan pang-endorse ng review school, Pisay 'yan. Kaya kailangan talagang galingan sa UPCAT, kundi magiging instant celebrity ka. Sikat ka kasi hindi ka pumasa.
Kung ang iba ay lubos nang kinakabahan para sa UPCAT, mas higit ang aking takot. Sila kasi, magaling na talaga, as is. Tapos, dahil kaya rin nilang magbayad, nag-review school pa sila. E paano naman ako, isa sa mga taong may pinakamabababang marka sa batch. Tapos hindi pa nag-review school. Asa na lang sa mga booklets. Kaya nga laking tuwa ko sa Batch Review sa Pisay. Kahit hindi halata, sineryoso ko naman kahit papaano 'yung review na 'yun. Wala na kasi akong ibang pwedeng asahan.
Ilang araw bago mag-UPCAT, nauso rin sa batch namin ang katagang "Tiwala". Napaka-positibo ng salitang ito, nguni't hindi ko alam kung bakit hindi nito nagagawang i-boost ang confidence ko para sa UPCAT. Pakiramdam ko talaga babagsak ako. Ang isang malaking pagkakamali ko kasi ay naglagay ako ng dalawang quota courses sa UP Diliman. Pagpasensyahan n'yo ang pagka-feeler ko.
Isang araw bago mag-umpisa ang UPCAT, pinuspos naming mag-aral sa Guidance Centre. Natitigil ito sa bawa't pagtunog ng bell, kung kailan kailangan naming pumunta sa susunod na klase, para lang malaman na wala namang klase. Kaya dali-dali kaming bumabalik sa Guidance para ipagpatuloy mag-aral. Nguni't kahit gaano pa man ka-gustong mag-aral, darating at darating rin sa puntong nakakatamad na talaga. Ngunit salamat at oras na para sa Prayer Meeting. Oras para makapag-unleash.
Unang araw ng UPCAT. Sa ikalawang araw pa ako nakatakdang kumuha ng pagsusulit, kung kaya inilaan ko ang Sabado sa pag-aaral. Oo, sabi nila na dapat akong mag-chill isang araw bago ang pagsusulit, ngunit hindi ko lang talaga magawa, hindi ko alam kung bakit. Nu'ng hapon ay pumunta ako sa bahay ng isang kaibigan na makakasabay ko pagpunta sa UP kinabukasan.
Gabi bago ang nakatakda kong schedule ng UPCAT. 20.00 pa lang, nakahiga na 'ko sa kama. Unti-unting nilalamon ng antok... Nang bumukas ang pintuan. Sinabihan kaming matulog na dahil malapit na raw mag-2100. Itinago na namin ang aming mga reviewer, at naghanda upang matulog. Subali't, kahit na grabe na ang antok ko ilang minuto ang nakararaan, tila lahat ito'y nawala at sobrang nahirapan akong matulog. As in. Tipong, hindi ko alam kung gaano katagal, pero nakatitig lang ako sa kisame, at ang mga ala-ala'y bumabalik.
Nagising ako sa pagbukas ng ilaw. Bumangon ako, dahil akala ko'y ikaapat na ng umaga. 'Yun pala, 2:40 pa lang raw. Balik sa tulog. Nagising uli ako sa pakiramdam na may tumapak sa hinihigaan ko. At 'yun, naghanda na 'ko para sa pagpunta sa UPCAT. Kaso may problema ako -- dahil sa paputol-putol na tulog, sobrang inaantok ako. Pero, bahala na.
Hinatid kami sa Testing Center. Habang naghihintay sa pila ay sinubok kong maghanap ng kakilala. Marami akong kilalang kaparehas koo ng Testing Center at parehas ng oras, pero wala akong makita kahit isa sa kanila.
6:08. Nag-umpisa na kaming papasukin sa Testing Room. Inilahad ang mga panuto, at ginawa namin ang mga ito paisa-isa. Hanggang sa wakas, 6:37 ay sinambit na ng proctor ang salitang "Begin." Ang unang bahagi ng pagsusulit ay Language Proficiency. Sa totoo lang, bahagya akong nahirapan sa parteng Ingles. Hindi naman talaga ako magaling sa Ingles, pero hindi naman ako ganoong nahirapan sa simulation o booklet. Malabo. At dahil nahirapan ako, inabot ako ng mga tatlumpu't-limang minuto para sa bahaging Ingles. At dahil limampung minuto lang ang nakalaan, labinlimang minuto lang ang oras ko para sa bahaging Pilipino. Kaya masaya ako na natapos ko ang bahaging Pilipino. :D
7:30. Nag-umpisa sa Agham. Nanggaling ako sa Mataas na Paaralan ng Pilipinas sa Agham, nguni't alam kong hindi ganoon kaganda ang marka ko sa bahaging Agham. Ngunit kahit nahirapan ako, hindi ko pa rin nagustuhan ang "spoon-feeding" sa pagsusulit na yaon.
[Rant: Wala naman akong natatandaan na nag-spoon-feed sa NCE (Of course my memory is faulty, but nonetheless), kaya hindi ko maatim kung bakit mayroon nito sa UPCAT. Oo, hindi patas na naituro na sa amin ang ilang mga concepts noong Ikalawa or Ikatlong Taon. Pero kaya nga nag-aaral para sa UPCAT. At UPCAT 'yun. Nakasalalay doon ang 60 % ng UPG mo. Malaking bahagdan ng pagpasok ng isang mag-aaral sa UNIBERSIDAD NG PILIPINAS ang nakasalalay sa UPCAT. Unibersidad ng Pilipinas. Kinikilalang pinakamahusay at may pinakamataas na kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Kaya dapat lang na maging puspusan ang gagawing pag-aaral para makapasok rito. Oo, pwedeng sabihin na "May advantage ang mga Pisay, kasi nga, Pisay sila." Pero hindi lang talaga ganoon kadali 'yun eh. Hindi naman effortless ang pagiging advanced namin sa mga aralin (kumpara sa ibang mga pampublikong paaralan). Pinaghirapan rin 'yun. Kung ang ibang mga mag-aaral, nagpapakahirap lang mag-aral bago mag-UPCAT, ang mga Pisay, nagpapakahirap buong High School. At sa totoo lang, karamihan naman doon sa mga spoon-fed na mga tanong eh base sa mga batayang kaalaman. Kinailangan lang ng kaunting pag-isip. Ngunit dahil sa pagpapaliwanag bago ang tanong, hindi na kinailangan mag-isip ng iba. Titignan lang nila, at 'yun na ang sagot! Ipagpaumanhin n'yo po ang mga sinabi ko. Alam kong faulty at fallacious ang mga sinabi ko.]
Matematika. Sa umpisa, akala mo madali. 'Yung unang mga lima hanggang walong tanong, kaya mong sagutin gamit ang isip lamang. Ngunit paglagpas mo roon, hindi mo na kakayaning hindi magsulat. O para sa akin lang 'yun. Hindi kasi ako mahusay sa Matematika. Sana nga'y maipasa ko ang bahaging ito kahit papaano.
Reading Comprehension. Ang pinaka-paborito kong bahagi ng UPCAT. Natuwa ako na higit sa kalahati ang seleksyon sa Pilipino, tila binawi ang higit sa kalahati na bahagi ng Ingles sa Language Proficiency. Lahat ng mga seleksyon sa Pilipino ay binasa ko nang buo bago sumagot sa mga katanungan, at masasabi kong halos lahat ay nagustuhan ko. Mayroong mga komiks galing sa diyaryo, at mayroon ring galing sa librong "You Know You're a Filipino If...". Mayroon ring mga kwentong nakamumulat ng isipan sa mga usaping panlipunan. O baka ako lang 'yun, dahil inaasahan ko talagang ang tanong para sa sanaysay ay isang tanong ukol sa isang suliraning/usaping panlipunan.
Essay. Ang una kong napansin sa papel ay dalawang tanong. Isang Ingles, isang nasa Pilipino. Natuwa ako dahil ito ang hinihiling ko para sa sanaysay -- ang makapili ako kung ako'y susulat sa Ingles o Pilipino. Bago pa basahin ang tanong ay hiniling ko na na ito'y tungkol sa kasulukyang kalagayan ng ating lipunan dito sa Maynila. O marahil sa ibang bahagi ng Pilipinas (para maging patas sa mga kumuha ng pagsusulit galing sa mga lugar na malayo sa Maynila, at posibleng nawalan na ng tiwala sa mga pangyayari rito sa kabisera ng bansa). Nguni't, laking gulat ko sa tanong na "Ano ang paborito mong gamit sa pag-aaral?" Hindi ko talaga alam kung paano ito sasagutin, kaya hindi naging maganda ang isinulat kong sanaysay. Hindi naman ako naging "sabaw" tulad ng iba, nguni't hindi rin naman talagang kaaya-ayang basahin ang gawa ko.
Mas nagulat ako nang marinig ko ang mga tanong sa sanaysay ng ibang mga batch ng pagsusulit. Alam kong ang sanaysay ay ang paraan ng UP upang makita kung gaano kataas ang leadership skills ng mag-aaral. Subali't, sa tema ng ibang sanaysay, parang hindi. Ang mga sumusunod ang mga tema ng sanaysay (hindi ang eksaktong tanong, para sa iba).
- Sabado, umaga: Ipaliwanag, nang may kaakibat na detalye, ang bagay na madalas mong gawin.
- Sabado, hapon: Ipakita ang pagkasunud-sunod ng mga pangyayari kung ika'y makakita ng isang alien.
- Linggo, umaga: Ano ang paborito mong gamit sa pag-aaral?
- Linggo, hapon: Gumawa ng isang kapani-paniwalang kasinungalingan ukol sa iyong sarili. Bigyang detalye.
Ang aking sanaysay ay isinulat ko sa wikang Pilipino. Ngunit sa kasamaang palad, ay hindi ko ito natapos. Marahil ay hindi ito mapaghahalataan ng mga magbabasa nito, ngunit para sa akin, ay hindi ito tapos. Siguro ang naging dahilan kung bakit hindi ako natapos ay ang lawak at layo ng maaaring marating ng aking sagot.
Pag-uwi ko ay nadatnan ko na ang mga kwentuhan ukol sa UPCAT, na sa kabuuan ay masayang basahin. Lalo na ang mga #RejectedUPCATEssayQuestions at ang pagtatalakayan tungkol sa mga tanong sa UPCAT. Pati na rin si Hans Tristan Anderson Yu Sykora [na si Mario Maurer + braces lang rin naman].
No comments:
Post a Comment